PINAPAYAGAN na ang mga ospital at local government units (LGU) na bumili ng COVID-19 investigational drug na may emergency use authorization (EUA) sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa ilalim ng AO 2021-0053, ang mga pampubliko at pribadong pasilidad sa kalusugan, mga network ng healthcare provider, at mga yunit ng lokal na pamahalaan ay pinahihintulutan na bumili ng mga gamot para sa COVID-19 sa ilalim ng EUA sa pamamagitan ng kani-kanilang purchasing department.
Sa kasalukuyan, tanging ang antibody treatment na Ronapreve ang nakatanggap ng EUA mula sa Food and Drug Administration (FDA).
“It is a general prescription kung saan lahat ng magkakaroon ng EUA ng investigational drugs, we are already giving authority to our hospitals and local government for them to procure these types of drugs,” wika ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Sinabi pa nito na hindi na kailangan pa na ang DOH ang bumili at magpapa-allocate sa lahat ng ospital para mas mabilis na magamit ng mga pasyente na mga nangangailangan nito.
Gayunpaman, ang mga gamot ay dapat na kasama sa Philippine COVID-19 Living recommendations at sa mga positibong rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council (HTAC).
Ang halaga nito ay hindi rin dapat mas mababa o lumampas sa maximum wholesale price kung ito ay kasama sa maximum drug retail price.
Isinasaad din ng AO na ang mga gamot ay maaaring makuha gamit ang mga pondo ng gobyerno o isama sa mekanismo ng pagtustos ng Philippine Health Insurance Corporation, sa kondisyon na ang HTAC ay naglabas ng positibong rekomendasyon bukod sa iba pa.
“All COVID-19 drugs shall be prescribed, dispensed, and administered to patients in a manner that is consistent with DOH-approved guidelines and standards for safe and ethical sale, prescription, and use of medication under EUA.”
“No direct selling to patients shall be allowed among health providers and health facilities with no valid LTO as a retailer from the FDA,” nakasaad sa AO.
Ilan lamang sa mga investigational drug ngayon na ginagamit sa bansa ay ang remdesivir, tocilizumab, at baricitinib at iba pa.