NAGBABALA ang Department of Health-Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) sa publiko hinggil sa mga kumakalat na mga text message kaugnay sa One COVID-19 Allowance o OCA.
Sa isang public advisory, sinabi ng DOH-MMCHD na may mga text messages kaugnay sa pagkuha ng OCA sa pamamagitan ng pagpapadala ng email na [email protected].
Binigyan-diin ng DOH-MMCHD na hindi galing sa kanila ang naturang mensahe kaya pinayuhan ang publiko na huwag magpapaloko sa mga scammer.
Paalala pa ng DOH-MMCHD na ang OCA ay direktang ipinapa-alam sa benepisyaryo na mayroong kumpleto at maayos na dokumento.
Tiyakin din umano na lehitimo ang nakakalap na balita, at maging alerto laban sa mga maling impormasyon para na rin sa kaligtasan.
Sa ilalim ng OCA, makatatanggap ng allowance ang health care workers at non-health care workers depende sa kanilang “risk exposure” — P3,000 para sa low risk; P6,000 para sa medium risk; at P9,000 para sa high risk.
Pinayuhan din ng DOH-MMCHD na maaring magpadala ng mensahe sa Public Assistance and Complaint Unit ng tanggapan kung mayroong mga katanungan o sumbong ukol sa OCA.
Maaari ding magpadala sa email na [email protected], o kaya’y tumawag sa kanilang hotline numbers o Viber number na 0970-464-7549.