ISANG disbarment case ang inihain sa Korte Suprema ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio.
Inihain ni Secretary Larry Gadon ng Office of the Presidential Adviser on Poverty Alleviation ang naturang disbarment case na may kinalaman sa pagmumura at pagbabanta ni VP Sara laban kina Pangulong Ferdinan Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Hinamon ni Gadon ang Korte Suprema na agad maglabas ng desisyon tungkol sa kaso dahil ayon dito, maliwanag ang ginawang paglabag ni Duterte-Carpio sa Canon Law, Code of Conduct at Code of Professional Responsibility bilang isang abogado.
Sinabi ni Gadon na dito masusubukan ang mgg hukom ng Korte Suprema na wala silang pinapanigan, at ginawa pang halimbawa ang kanyang sarili na agaran siyang tinanggalan ng lisensiya bilang abogado matapos din siyang ireklamo ng disbarment nang kumalat ang video ng ginawa niyang pagmumura.
Sakaling hindi maglabas ng desisyon, handa si Gadon na sampahan ng impeachment ang mga hukom kung saan maliban sa kaniyang reklamo ay may nakabinbin din sa Korte Suprema na isa pang disbarment case laban kay VP Sara kaugnay naman sa panununtok nito sa isang court sheriff noong siya ay alkalde pa ng Davao City.
Nauna nang inihayag ni Atty. Camille Ting, tagapagsalita ng Korte Suprema, na may natanggap na silang anonymous letter na pinapadisbar si VP Sara.

