INANUNSIYO ng Bureau of Immigration (BI) na gagamit na ng “direct flights” para sa mas mabilis na pagpapa-deport sa mga taong konektado sa Philippine Offshore Gaming Operation o POGO.
Ang utos sa paggamit ng direct flight ay ipinag-utos ng ahensiya base sa BI Board of Commissioners Resolution No. 2025-002 na inilabas noong Marso 21.
Sa ilalim ng resolusyon, sa direct flights lamang pabalik sa kanilang bansa maisasakay ang mga dayuhang sangkot sa POGO maliban na lamang kung walang available na direct flight mula sa Pilipinas.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, solusyon umano ito sa butas sa patakaran na sinamantala ng ilang POGO deportee.
Dagdag pa ni Viado, bahagi na rin ito ng pagpapalakas ng deportation procedure ng kawanihan.
Katuwang ng BI ang Department of Justice sa pakikipag-ugnayan sa mga airline at mga embahada ng mga dayuhang bansa sa Pilipinas para masiguro ang maayos na pagpapatupad ng bagong patakaran.

