AMINADO ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na pahirapan ngayon ang contact tracing o paghahanap sa mga indibidwal na naligo sa Gubat sa Ciudad resort sa Caloocan City.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, batay sa inisyal na pagsisiyasat ay natukoy na hindi kumpleto ang mga impormasyong nakalagay sa log book ng resort.
Bagamat napamigay ng resort ang 496 guest stubs, hindi lahat ay nakapagsulat sa log book.
Sa mga nagsulat sa log book, 232 lang ang nagbigay ng kanilang contact numbers pero may ilan na hindi rin matawagan. Aabot lamang sa 108 ang natawagan at 72 sa kanila ay naisalang na sa antigen swab test. Wala pang impormasyon kung may nagpositibo na sa mga sinuri.
“I must admit na napakahirap po talaga nitong pagko-contact trace dahil sa kapabayaan ng resort na ito,”ayon kay Malaya.
Sinabi ni Malaya na maliban sa pagsuway sa COVID-19 protocols nang buksan ang resort, nabigo rin ang may-ari nito na pasulatin sa contact tracing form ang kanilang mga bisita.
Nabatid din na karamihan sa mga bisita o 180 sa kanila ay taga-Caloocan City, 11 mula sa Bulacan, tatlong taga-Malabon City, lima ang galing ng Maynila, 26 sa Quezon City at pito sa Valenzuela City.
Ang mga nabanggit na lugar ay pawang nasa ilalim pa ng modified enhanced community quarantine (MECQ) nang mangyari ang insidente nuong nakaraang linggo.
Samantala, aminado si Malaya na maituturing na weakest link ng gobyerno ang contact tracing. “Sa tingin ko po, ang weakest link natin ay ang prevention. Kaya nga po tayo nanghuhuli ng mga kababayan natin na hindi sumusunod sa minimum health standards dahil nandoon po ang maraming violations,” diin nito.

