NANAWAGAN si Manila Mayor Francisco Domagoso sa mga mapagsamantala sa mga food delivery na huwag magbigay ng perwisyo.
Ito ay matapos na ma-scam ang limang delivery rider nang may magproseso ng pekeng food deliveries na nakapangalan kay Mayor Domagoso at ipinadala sa Office of the Mayor.
Nakaproseso ang limang pekeng order sa iba’t ibang mobile delivery app gamit ang iba’t ibang international mobile number.
Ayon sa mga text messages na natatanggap mula sa number, nag-order di umano ang isang “Isko Domagoso Moreno” ng iba’t ibang pagkain mula sa magkakaibang restaurant.
“Pakidala po sa mayors office thank you pa assist nlng po kayo,” bilin ng umorder sa mga delivery rider.
Pakiusap ng alkalde, huwag mamerwisyo lalo na’t maraming hirap sa hanapbuhay ngayong may COVID-19 pandemic.
“Alam naman po natin na marami ang gusto lang maghanapbuhay nang tapat at marangal. Huwag na natin sila i-prank, pagtripan o i-harass sa mga pekeng deliveries natin. This is not a laughing matter,” sinabi ni Domagoso.
“This goes to anyone who will attempt to harass our riders. Huwag po natin silang lokohin. May kanya-kanya silang pamilya na binubuhay. Wala silang masamang intensyon kundi kumita lang nang tapat,” aniya.