Delivery rider, patay matapos mabaril ng pulis Maynila

PATAY ang isang delivery rider matapos umanong aksidenteng mabaril ng kaibigang pulis sa isang barangay hall Huwebes ng gabi sa Tondo, Maynila.

Ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD), kinilala ang biktima na si Jayson Capistrano, 31 anyos, binata at nakatira sa 2851 P. Fronda Street, Gagalangin Tondo, Maynila.

Iniimbestigahan na at nasa kustodiya na rin ng MPD ang suspek na si PCpl. Oliver Ferrer, binata, nakatalaga sa MPD-PS 1 (Raxabago) at taga Balut, Tondo.

Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa likod ng kusina ng barangay hall ng Brgy. 183 Zone 16, Gagalangin, Tondo alas 10:45 kagabi.

Nauna rito, nagtungo umano ang pinsang pulis ng biktima na si PCpl. Jerome Mingote Capistrano na nakatalaga naman sa MPD- PS 11 sa barangay hall upang bisitahin si Chairman Joseph Lipasana.

Habang naghihintay at nagkukuwentuhan si PCpl. Ferrer kasama ang iba pang kaibigan at ang biktima, ay pabirong bumunot ng baril ang suspek at aksidenteng pumutok at tinamaan sa tiyan ang biktima.

Ang pangyayari ay base na rin sa testimonya ng pinsang pulis ng biktima na nasa lugar nang mangyari ang insidente.

Agad namang isinugod sa  Chinese General Hospital ang biktima ng kanyang pinsang pulis ngunit idineklarang dead on arrival.

Isinuko naman ng suspek ang kanyang sarili sa Gagalangin PCP at isinurender ang kanyang service firearm na Prietito Beretta caliber 9mm.

Sa panayam naman kay Chairman Lipasana, hindi siya makapagbigay ng anumang impormasyon sa pangyayari dahil hindi niya ito nasaksihan, at nagulat na lamang daw siya nang may marinig siyang putok ng baril.

Sinabi pa nitong bago ang insidente ay naririnig pa niyang nagtatawanan ang nasabing mga bisita.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.