Dating tauhan ng MTPB sa Maynila, timbog sa pagbebenta ng sticker ng city hall at MTPB

HIHIMAS ng malamig na rehas ng kulungan ang isang dating tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa lungsod ng Maynila matapos mabuking ang kanyang modus na pagbebenta ng mga sticker ng Manila City Hall at ng MTPB.

Kinilala ni Manila Police District (MPD) Station 3 commander P/Lt. Col. John Guiagui ang suspek na si Dodgie Garcia Imperial, 52 anyos, at residente ng 753 Int. 27,  Raxabago St., Tondo, Maynila.

Ayon kay Lt. Col. Guiagui, alas-7:45 kaninang umaga nang maaresto ang suspek sa bahagi ng Blumentritt at P. Guevarra Streets, Sta. Cruz sa Maynila habang nagbebenta ng mga sticker sa dati na nitong nabiktima.

Nabatid na halagang P200 ang presyo ng nasabing mga sticker na iniaalok ng suspek sa mga driver ng truck at tricycle kapalit ng No Apprehension.

Ayon pa kay Guiagui, market strategy ng suspek sa mga nabentahan nito ng sticker na hindi mahuhuli sa anumang violation ang mga nakabili ng mga sticker.

Napag-alaman pa na ang suspek ay dating tauhan ng MTPB ngunit tinanggal sa trabaho dahil din sa kanyang modus na pag-aareglo ng mga nai-impound na mga sasakyan na ginagawang pagkaperahan.

Katwiran naman ng suspek kinukuha nito ang sticker sa Recto sa halagang P50 at ibinibenta ng P200 bawat piraso.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.