Lubos ang pasasalamat ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Department of Foreign Affairs (DFA) nang makaligtas sa parusang kamatayan matapos mapawalang-sala sa kasong pagpatay sa Riyad, Saudi Arabia.
Malugod na tinanggap ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr. ang Pinoy worker na si Rose Policarpio, ikinatuwa nito ang pagdating ni Policarpio at ang hiling ng kalihim na maging matagumpay ito sa panibagong yugto ng kanyang buhay.
Nagpasalamat si Policarpio kay Locsin at sa naturang ahensiya dahil sa pagsuporta at mga ayudang ibinigay sa kanya para mapawalang sala sa kasong pagpatay at tuluyang makaligtas mula sa parusang kamatayan.
“Hindi po nagpabaya ang gobyerno”, pahayag ni Policarpio.
Si Policarpio ay inakusahan ng kasong pagpatay hanggang sa nakulong ito ng anim na taon at nahatulan ng parusang kamatayan.
Matatandaan taong 2013, tatlong hindi kilalang lalaki ang pumasok sa loob ng bahay ng employer ni Policarpio.
Tinangkang halayin si Policario ng mga suspek pero nanlaban ito at pinatay ng mga ito ang amo nitong Lebanese.
Pero ng dumating sa pinangyarihan ng insidente ang Saudi police ay naabutan nila si Policarpio at ang nasawing amo nito kung kaya’t siya ang pinagbintangang pumatay.
Dahil dito humingi ng tulong si Policarpio sa pamahalaan ng Pilipinas at sa isinagawang imbestigasyon hanggang sa napatunayang inonsente ito.