Dapat umarkila na ng mga bagong vote-counting machines para sa 2025 polls — Comelec

Share this information:

DAPAT nang umarkila ang bansa ng mga bagong vote-counting machines (VCM) para sa pagsasagawa ng 2025 polls at higit pa upang maiwasan ang mga insidente ng hindi gumaganang VCM sa hinaharap.

Ang suhestiyon ay ginawa ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia sa deliberasyon ng Commission on Appointments sa kanyang nominasyon bilang poll body chairperson at sinabing hindi na masyadong gumagana ang mga VCM sa mga bodega ng Comelec.

Sinabi pa ni Garcia na hindi na kailangan bumili pa ng machine dahil nagbabago ang teknolohiya kada anim na buwan.

Ipinaliwanag niya na ang pinaka-epektibo ay mag-arkila ng makina dahil hindi na kailangan pa ng warehouse at i-maintain bukod pa sa mas mura ito.

Bukod dito, sisiguraduhin naman ng magpapaupa na bago ang makinang ipapaupa nito.

Ayon kay Garcia, ang muling paggamit sa 90,000 VCMs na ginamit na sa nagdaang tatlong halalan ay magdudulot lamang ng kaparehong insidente ng malfunctioning sa nakalipas na 2022 polls, na nagresulta ng pagkaantala ng pagboto sa ilang mga polling precinct at pagdagsa ng mga botante sa gitna ng pandemya.

We believe, based on technical specifications, that if we are going to use these for the 2025 elections…iyong pinupukpok, nilalagyan ng electric fan para lumamig, iyong pahihintuin muna, iyong ia-adjust kasi di na kumakasya ang balota…these will all happen again in 2025,” sabi ni Garcia.

Giit pa ng poll chief, hindi na makakabalik pa ang bansa sa manual elections at dapat ay computerized elections na hindi lang dahil sa bilis kundi pati sa kredibilidad ng resulta.

Gayunman, sinabi ni Garcia na ang poll body ay gagabayan pa rin ng feedback mula sa mga mambabatas mula sa House of Representatives at sa Senado.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.