NANAWAGAN si dating Kabataan Partylist Rep. Terry Ridon sa Korte Suprema na irekonsidera muli ang Temporary Restraining Order (TRO) na ibinaba ng mataas na hukuman kaugnay sa implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Metro Manila.
Bukod dito, sinabi pa ng mambabatas sa Kapihan sa Manila Bay ang mahabang gap ng TRO at ng oral arguments.
Ayon kay Ridon, medyo matagal ang ilang buwan na nakatengga ang NCAP habang pinag-uusapan ang isyu lalo na’t papasok na ang Christmas season kung saan mataas ang volume ng traffic bukod pa sa mga bata na pumapasok na sa eskuwela.
“Actually medyo mahaba po yung ilang mga buwan na pinag-uusapan ho natin na nakatengga ho yung NCAP at papasok ho yung Christmas season kung saan mataas ang volume ng traffic at pangalawa ay may pasok na ho yung mga bata,” ani Ridon.
Binigyan-diin din ni Ridon ang reklamo ng isang petitioner ng NCAP sa Korte Suprema na talagang nagkaroon aniya ng maraming beses na violations.
“Yan ho ba ang gustong paboran ng Korte Suprema dito po sa temporary Restraining Order na ito o yung mga anak ho natin, yung mga nagsisimba o yung mga namamalengke na tumatawid sa kalsada,” giit pa ni Ridon.
Sinabi naman ni Land Transportation Office Deputy Director for Law Enforcement Services Roberto Valera na suportado nila ang NCAP dahil ginagamit na ito ng ibang bansa upang ipatupad ang traffic rules and regulations.
“The use of technology enhances the enforcement capability of our government,” sabi ni Valera.
Paliwanag ni Valera, ito ay nakakatulong para makaiwas sa mga aksidente dahil mapipilitan na ang mga motorista na sumunod sa traffic rules and regulations 24/7.
Gayunman, may mga isyu aniyang kailangang iresolba kaya naman binuo ang Technical Working Group o TWG na siyang magrereview sa memorandum of agreement hinggil sa NCAP.
Naniniwala rin aniya sila na kapag naresolba ang mga isyu malamang ay magkakasundo sa klasipikasayon ng penalties .
“Sa akin is– there’s room for improvement and we’re open, and we’ll be able to do that for consultation and by reaching a consensus on what are the implementable guidelines that we are able to do,” dagdag pa ni Valera