Breaking News

Share this information:

NAGMISTULANG bayani ang dalawang pulis Cavite nang nagtulong ang mga ito na mailuwal ang sanggol na nasa sinapupunan ng isang ginang sa loob ng isang mobile car sa Dasmarinas City, Cavite.

Kinilala ang dalawang pulis na sina PSSgt. Garry Gazzingan at PSSgt. Nelson Incognito, kapwa mga miyembro ng Mobile Patrol Unit (MPU), Cavite Police Provincial Office (PPO) matapos paanakin si Kristina Mendon, 32 anyos, ng Brgy. Salawag, Dasmarinas City. 

Nabatid na kasalukuyang nagpapatrulya sina Gazzingan at Incognito sakay ng MPU mobile car 0929 nang madaanan ng mga ito si Mendon kasama ang ilang kamag-anak habang naghihintay ng masasakyan patungo sana sa ospital dakong alas-5:00 kamakalawa ng hapon sa Brgy. Salawag ng naturang lungsod. 

Hindi naman nagdalawang-isip ang dalawang pulis at isinakay si Mendon at habang bumabaybay patungo sa ospital nang nagsabi ang huli na manganganak na siya kaya agad-agad nilang itinabi ang mobile car at sa loob na nito nila pinagtulungang paanakin ang ginang.

Makalipas ang ilang minuto ay matagumpay at ligtas na nailabas ang isang  baby boy  at matapos balutin ay pinatakbo ang mobile patrol at idiniretso sa pinakamalapit na pagamutan.

Sa kasalukuyan ay kapwa ligtas ang naturang ginang at ang kanyang anak na lalaki.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: