Breaking News

Share this information:

GANAP ng bagong Arsobispo ng Arkidiyosesis ng Maynila si Jose Cardinal Fuerte Advincula Jr.

Kasabay ng kanyang pagkakatalaga bilang Arsobispo ng Maynila ang paggunita ng ika-450 taong anibersaryo ng lungsod ng Maynila ngayong araw, Hunyo 24 at Dakilang Kapistahan din ng pagsilang ni San Juan Bautista.

Alas 8 ng umaga nang salubungin ni Manila Mayor Francisco Domagoso, kasama si Intramuros Administrator Guiller Asido sa Postigo Gate na isang makasaysayang gate na eksklusibong ginamit ng mga Arsobispo ng Maynila at Governors-General sa Pilipinas noong panahon ng Kastila.

Alas 8:30 nagkaroon ng seremonya o civic ceremony sa Ayuntamiento at pagkatapos ay nagkaroon ng maikling prusisyon sa Manila Cathedral kasama sina Apostolic administrator Bishop Broderick Pabillo, Domagoso, Asido at mga kinatawan ng Knights of Columbus, Equestrian Order ng Jerusalem at ang Order of Malta.

Pagkatapos ng seremonya, naglakad si Cardinal Advincula kasama ng ilang mga pangunahing bisita patungong Minor Basilica of the Immaculate Concepcion o Manila Cathedral kung saan sandaling lumuhod at nag-alay ng taimtim na panalangin bago naglakad patungong altar.

Idinaos naman ang taimtim na instalasyon at pagdaraos ng banal na misa alas 9 ng umaga sa naturang simbahan.

Dinaluhan naman ng mga obispo ng Pilipinas, kaparian mula sa Archdiocese ng Maynila gayundin mula sa Archdiocese ng Capiz, ilang opisyal ng gobyerno, relihiyosong lalaki at babae, mga layko, pamilya at bisita ni Cardinal Advincula.

Dumalo rin sa installation ni Cardinal Advincula ang limang mga mayor ng Archdiocese of Manila kabilang ang San Juan, Mandaluyong, Pasay, Manila, at Makati.

Hinirang si Cardinal Advincula ng Santo Papa bilang kapalit ni Cardinal Luis Antonio Tagle na ngayon ay nagsisilbi bilang Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples.

Dumating ito sa Manila noong Martes at sinalubong ni Bishop Pabillo sa Residencia del Arzobispo sa Intramuros, Manila.

Sana makita ni Cardinal Joe [Advincula] ang isang sambayanang buhay, isang tunay na bayan ng Diyos, katawan ni Kristo at templo ng Espiritu Santo upang maramdaman niya na marami siyang kasama at hindi siya maglalakad at magtatrabaho na mag-isa,” ayon naman sa pinadalang mensahe ni Cardinal Tagle sa bagong Arsobispo ng Maynila.

Si Cardinal Advincula ay una nang nagsilbi bilang Arsobispo ng Capiz simula noong 2011 at naging Cardinal mula Nobyembre 2020.

Dati rin siyang nagsilbi bilang Obispo ng San Carlos mula 2001 hanggang 2011.

Marso 25, 2021 naman nang i-appoint siya ng Santo Papa bilang Archbishop of Manila.

Si Cardinal Advincula ay tubong Dumalag, Capiz at nasa edad 69 at ipinanganak noong March 30, 1952.
Nagtapos ito sa St. Pius X Seminary, University of Santo Tomas, De La Salle University, Pontifical University of Saint Thomas Aquinas.

Naging miyembro ng Congregation for the Clergy, Vice Chair ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Committee on International Eucharist Congresses, Vice Chair, CBCP Office on Women at Cardinal-Priest ng San Vigilio.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: