NALAGASAN pa ng dalawang miyembro ang Philippine National Police (PNP) makaraang pumanaw ang mga ito dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa pinakahuling tala mula sa PNP Health Services, isang 48-taong gulang na police commissioned officer mula sa Legal Service at 47-taong gulang na police commissioned officer sa Explosive Ordnance Division ang namatay nitong Lunes.
Dahil dito, umabot na sa 46 ang kabuuang bilang ng mga tauhan ng PNP ang nasawi sa virus.
Samantala, 235 na mga bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa PNP kaya umakyat na sa 2,391 ang aktibong kaso sa institusyon. Nasa 272 naman ang bilang ng mga bagong gumaling.
Nababakunahang pulis, dumarami na
Umaabot na ngayon sa 6,768 ang kabuuang bilang ng mga pulis na nabakunahan na kontra COVID-19.
Nabatid mula kay PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support to Covid 19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar, na sa unang turok, nasa 5,085 sa mga pulis ang tumanggap ng Sinovac vaccine; 1,679 ang Astrazeneca; 3 ang Moderna, at isa ang Pfizer.
Nakatanggap na rin ng pangalawang turok ng Sinovac ang 1,500 nilang tauhan at isa ang Pfizer.
Ang mga tumanggap ng Moderna at Pfizer ay mga police attache sa abroad.
Samantala, iniulat ni Eleazar na tuluy-tuloy din ang pagsasagawa ng RT-PCR test sa kanilang mga tauhan alinsunod sa utos ni PNP Chief General Debold Sinas para ma-detect at maagapan ang mga kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay.
