Dalawang mangingisda patay, anim pa nailigtas ng PCG sa lumubog na bangka sa Leyte

Share this information:

DALAWANG mangingisda ang namatay habang nailigtas naman ang anim katao pa nang lumubog ang kanilang sinasakyang motorbanca sa baybayin sakop ng Barangay Manglit, Pintuyan, Southern Leyte sa araw mismo ng Kapaskuhan.

Sa tulong ng Philippine Coast Guard (PCG) agad nagsagawa ng search-and-rescue operation at nailigtas ang anim na mangingisda na sina Romeo Cabalida, 26 anyos, Tommy Descartin, 46 anyos, Kenneth Preguli, 24 anyos, Garry Descartin, 47 anyos, Artaliodo Talledo, 28 anyos, at Guillermo Habagat, 30 anyos, mga kapwa residente ng Pagadian City.

Ang mga namatay naman sa gitna ng laot ay nakilalang sina Aldin Pagkalinawan, 49 anyos at Roel Jalil, 50 anyos, at parehong residente ng Misamis Oriental.

Sa nasabing ulat, sakay ang mga ito ng motorbanca nang nakasalubong ito ng malakas na hangin at malalaking alon habang nangingisda sa katubigan ng San Ricardo, Southern Leyte. 

Sinubukan nilang kumubli ngunit lumubog na ang kanilang bangka dahil sa masamang panahon.

Nakipag-ugnayan na ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Pintuyan sa kinauukulang lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga nasagip na mangingisda at mga naulila ng mga namatay na indibidwal.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.