Dalawang linggong MECQ, inihirit ng mga eksperto

SINABI ng grupo ng mga eksperto na kakailanganin pa rin ng gobyerno na magpatupad ng modified enhanced community quarantine (MECQ) upang mapababa o mapabagal ang mabilis na pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ito ay ayon kay OCTA Research fellow Prof. Ranjit Rye, na nagsabing bagaman dapat na bigyan ng pagkakataon kung magiging epektibo ang dalawang linggong implementasyon ng NCR Plus Bubble, mairerekomenda pa rin ang MECQ.

Pagbigyan natin ang bubble, pagbigyan natin ‘yung ginagawa ng gobyerno ngayon. I-test natin kasi ito po ay stop-gap measure lang po. Tingnan natin kung may epekto siya,” pahayag ni Rye.

Sakali aniyang mabigo ang layunin ng NCR Plus Bubble sa susunod na linggo, dapat nang ipatupad ang dalawang linggong MECQ.

Sinabi pa nito na kung hindi mapipigil ang pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 ay masasayang lamang ang lahat ng naging pagsisikap ng pamahalaan na makontrol ang virus.

Mas grabe ang dinadanas natin ngayon at ang sinasabi natin lahat ng pinaghirapan natin may potential na maisantabi. All our gains will be washed away if this surge is left uncontrolled,” ani Rye.

Pinanindigan ni Rye na huwag mag-alala dahil hindi babagsak ang ekonomiya sa kabila ng pagpapatupad ng MECQ. Maihahalintulad lamang daw ito sa “time-out” na hiningi ng health workers noong nakaraang taon.

Sakaling muling ipatupad ang MECQ, iginiit ni Rye na dapat ding palakasin ang testing, tracing, at isolation, at ang pakikipagtulungan ng mga komunidad at pribadong sektor.

Samantala, binanggit din ng OCTA Research na kanilang naobserbahan na ang reproduction rate o antas ng hawahan ng COVID-19 sa Metro Manila ay pababa na, base sa ulat na inilabas nito.

Gayunman, nilinaw ng grupo na bagama’t tila pababa ang trend mula sa mahigit 2.2 na reproduction rate na sa ngayon ay nasa 1.91 batay sa datos ng grupo ay hindi pa agad masasabi na magtutuluy-tuloy ang pagbulusok pababa ng bilang ng mga nahahawa.

It is too early to tell if this is the beginning of a hoped-for downward trend in the reproduction number, given that the NCR was placed under the GCQ bubble,” ayon sa OCTA.

Ngayong linggo, lumalabas umano na nasa halos 4 o 3.804 ang bagong kaso kada araw na naitatala sa National Capital Region na mas mataas ng 61-porsyento kumpara nuong nakalipas na linggo.

Samantala, naitala rin ang mahigit sa 70 porsiyento o critical level na Intensive Care Unit (ICU) occupancy sa Metro Manila habang ang positivity rate o dami ng mga taong sinusuri na nagpo-positibo sa COVID-19 ay nasa 18 porsyento sa nakalipas na pitong araw.

Tinukoy din sa report ng OCTA Research na ang 25 barangay sa NCR Plus Bubble na may pinakamataas na bagong kaso mula Marso 18 hanggang 24 kabilang ang Fort Bonifacio sa Taguig City na may 342; Brgy 76 at 183 sa Pasay City na may 309 at 251 na mga bagong kaso; Pio Del Pilar sa Makati City na may 240 na bagong kaso at ang Barangay Commonwealth sa Quezon City na may 194 na bagong kaso.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.