Dalawang kawatan, nalambat sa Malabon

Share this information:

Dalawang kawatan ang nasakote ng mga awtoridad matapos ang magkahiwalay na insidente ng pagnanakaw sa Malabon City.

Sa report ni PMsgt. Julius Mabasa kay Malabon police chief Col. Angela Rejano, dakong 9:14 ng gabi nang matuklasan ng biktimang si Michael Enriquez, 31 anyos, businessman, na ninakaw ang toy car ng kanyang bunsong anak na lalaki matapos umiyak ang bata at sinabi sa ama niya na nawala ang kanyang toy car na nagkakahalaga ng P2,500.

Nang tingnan ang kuha ng kanilang CCTV, nakita ng biktima ang isang lalaki na umakyat sa bakod papasok ng kanilang bahay sa Blk 14G Lot 9 Phase 3 E-1 Parros Alley St., Brgy. Longos saka kinuha ang toy car bago mabilis na tumakas.

Humingi naman ng tulong ang biktima sa Sub-Station 5 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na kinilalang si Jaymark Tutor, 19 anyos, welder, ng Blk 14 Lot 28 Phase 3 Dagat-Dagatan, Brgy. Longos at narekober sa kanya ang toy car.

Nauna rito, bandang 6:35 ng gabi nang makita ng biktimang si Daryl Israel, 43 anyos, isang vendor, ang isang lalaki matapos nitong tangayin ang kanyang Bridgestone Bicycle na nasa P7,000 ang halaga habang nakarapada sa harap ng kanyang pizza house sa 249 Gen. Luna St., Brgy. Concecion. 

Kaagad humingi ng tulong ang biktima habang nagsisigaw ng “Magnanakaw, magnanakaw” kaya’t iniwan ng suspek na kinilalang si Wilfredo Arias, 28 anyos, ang bisikleta saka tumakbo patungo sa C. Arellano St. kung saan siya nakorner ng humahabol na mga bystander at mga tauhan ng barangay.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.