Dalawang kawani ng BOC, timbog sa pangingikil

Share this information:

DALAWANG empleyado ng Bureau of Customs (BOC) na nakatalaga sa Formal Entry Division (FED/Assessment) ang inaresto ng pinagsanib na puwersa ng BOC Intelligence  Group (IG) at Special Project Team (SPT) ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation sa Maynila nitong Martes.

Inaresto habang tinatanggap ang marked money na inihanda ng NBI sina Zosimo “Sonny” Escover Bello, Principal Appraiser, Section 8, Formal Entry Division-Port of Manila (FED-POM) at kanyang Customs Examiner na si Salvador “Bong” Verga Seletaria Jr.

Napag-alaman na alas 6 kagabi ay kasama ng dalawang suspek ang complainant habang naghahapunan sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Maynila nang sumulpot ang NBI undercover at Customs agents at hinuli ang dalawa habang hawak nila ang marked money na iniabot ng complainant.

Isinagawa ang entrapment matapos magreklamo ang importer ng mga makina at machine product kay Comm. Rey Leonardo Guerrero kung saan hinihingan umano ito ng P300,000 kapalit ng pagpapalabas ng kanyang shipment ng injection pump.

Agad namang pinakilos ni Guerrero si Deputy Commissioner for Intelligence (DCI) Raniel Ramiro upang imbestigahan ang nasabing alegasyon.

Nakipagpulong si Ramiro sa complainant ilang oras bago ang entrapment na ikinasa kasama si Atty. Emeterio Dongallo Jr., pinuno  ng  SPT-NBI na nagresulta ng pagkakadakip sa mga suspek.

Pinaalalahanan naman ni Atty. Vincent Maronilla, BOC spokesperson, ang iba pang kawani at opisyal ng BOC na magsilbing babala ang pagkakaaresto kina Bello at Seletaria.

These kinds of operations shall continue as we move forward to our transformation journey,” pahayag ni Maronilla.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.