
TAYTAY, Rizal – MINSAN pa ay pinatunayan ang husay sa pamamalakad at kalidad sa serbisyo ng lokal na pamahalaan makaraang i-anunsiyo ng Department of Trade and Industry ang mga pinakamahusay na munisipalidad sa buong bansa.
Sa ginanap na 8th Regional Competitive Summit kaugnay ng annual search for the Most Competitive Municipalities, pumangalawa ang bayan ng Taytay sa tinatayang 1,450 munisipalidad na kalahok sa nasabing patimpalak ng national government.
Wala pang isang linggo nang masungkit nasabing bayan ang pagkilala ng Department of Interior and Local Government [DILG] and Department of Information and Communication Technology [DICT] sa larangan ng digital governance makaraang manguna ito sa paglulunsad ng fully-digital information system sa pamamahala. Bukod sa digital information system, isa din ang Taytay sa mga pinakaunang bayang nakalikha ng mobile app na ginamit bilang bahagi ng COVID-response ng nasabing lokalidad.
Sa pinakahuling parangal, itinanghal bilang 2ND Most Competitive [1st and 2nd Class Municipality Category] ang Taytay, makaraang magrehistro ng pinakamataas na grado sa larangan ng government efficiency, economic dynamism, resilience at infrastructure development.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Taytay Mayor Joric Gacula na lalo pa nilang paiigtingin ang determinasyong matumbasan ang buwis na ibinabayad ng kanilang mga mamamayan mula sa kanilang dugo at pawis, gayundin ang pagpapalawig ng mga pamamaraan upang lalo pang mai-angat ang antas ng pamumuhay ng mga mamamayan sa kanilang lokalidad.
“Lubos kaming nagagalak sa dalawang dikit na pagkilala. Ito na marahil ang pinakamagandang Pasko para sa tao sa likod ng mga programa ng Taytay LGU,” saad ni Gacula kasabay ng panawagan ng sama-samang pagkilos para sa ikauunlad ng kanilang munisipalidad.
Bukod sa DTI, kabilang din ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa mga mabusising kumilatis para sa taunang paggagawad ng natatanging pagkilala.
Bukod sa Taytay, nanatili namang Most Competitive Province ang Lalawigan ng Rizal.