DALAWANG notoryus ng mga tulak ng droga ang nalaglag sa lambat ng batas matapos matimbog ang mga ito ng mga operatiba ng Northern Police District (NPD) sa Navotas City Martes ng madaling-araw, Mayo 3, 2022.
Nakumpiska mula sa dalawang tulak ang mahigit P1-milyong halaga ng shabu at granada sa ikinasang buy-bust operation sa naturang lungsod ng mga alagad ng batas, isang malaking tagumpay sa kampanya ng NPD laban sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Kinilala ni NPD Director P/BGen. Ulysses Cruz ang naarestong mga suspek na sina Mark Joseph Nicandro, 34 anyos, ng Brgy. Daanghari at Jomar Jayona, 24 anyos, ng Brgy. San Roque, kapwa kabilang sa police at barangay drug watch list.
Ayon kay Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging, nadakip ang mga suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Luis Rufo sa buy-bust operation dakong 1:25 ng madaling araw sa kahabaan ng Ignacio St., Brgy. Daanghari matapos bentahan ng P300 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap bilang poseur-buyer.
Narekober ng mga operatiba sa mga suspek ang aabot sa 160 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P1,088,000 at marked money habang natagpuan din sa bahay ni Nicandro ang isang granada kaya humingi ng tulong si Lt. Rufo sa Explosive Ordnance Division (EOD).
Umani ng papuri mula kay PBGen. Cruz ang Navotas City police sa mahusay nilang trabaho habang iprini-prisinta naman ang mga suspek sa inquest proceedings sa Navotas City Prosecutor’s Office para sa kasong selling and possession of illegal drugs sa ilalim ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, samantalang karagdagang kasong paglabag sa R.A. 9516 o Unlawful Possession of Explosives ang isinampa kay Nicandro.