Breaking News

Share this information:

DIRETSO kalaboso ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos maaresto ng mga pulis habang naglalaro ng cara y cruz na kasama umano sa taya ay shabu sa Valenzuela City kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr. ang naarestong mga suspek na sina Jose Felipe Taller Jr., hindi pa matukoy ang edad, ng Brgy. Bignay at Dankeano Fabularum, 23 anyos, ng Dulong Tangke, Brgy. Malinta.

Sa imbestigasyon ni PCpl. Pamela Joy Catalla, ni-respondehan ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt. Joel Madregalejo ang natanggap nilang tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na illegal gambling na kilala bilang cara y cruz sa isang eskinita sa Dulong Tangke, Brgy. Malinta kung saan kabilang umano sa mga taya ay shabu.

Pagdating sa lugar dakong ala-una ng madaling araw, naaktuhan ng mga operatiba ang mga suspek na naglalaro ng cara y cruz na nagresulta sa pagkakaaresto kay Taller at Fabularum habang nagawa namang makatakas ng iba pang mga naglalaro.

Nakumpiska ng mga operatiba sa lugar ang tatlong pirasong baryang piso na gamit bilang toss coin at P100 bet money habang narekober naman sa mga suspek ang limang plastic sachet na naglalaman ng nasa dalawang gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P13,600 ang halaga.

Kasong paglabag sa R.A 9165 at PD 1602 ang isinimpa ng pulisya kontra sa mga naarestong suspek sa Valenzuela City Prosecutors Office.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: