Dahil sa pagyayabang ng dala nitong sumpak, pedicab driver, kalaboso sa Malabon

Share this information:

REHAS ng kulungan ang hihimasin ng isang pedicab driver sa Malabon City matapos itong mahulihan ng mga pulis na may bitbit na sumpak habang gumagala sa nasabing siyudad kahapon ng madaling araw.

Ang naarestong suspek ay kinilala na si Rolly Tolentino, 26 anyos, ng Sitio 6, Barangay Catmon, ayon kay Malabon police chief Col. Albert Barot.

Ayon sa imbestigasyon nina PSSgt. Ernie Baroy at PSSgt. Diego Ngippol, naaktuhan ng mga tauhan ng Sub-Station 2 na nagsasagawa ng Oplan Galugad sa kahabaan ng Dr. Lascano St., Brgy. Tugatog dakong alas-12:00 ng hating gabi ang suspek na gumagala sa lugar at may bitbit na isang improvised gun na kung tawagin ay “sumpak.”

Nang sitahin ng mga pulis si Tolentino, hindi naman ito pumalag kaya’t kaagad siyang inaresto at kinumpiska sa kanya ang dalang sumpak na kargado ng isang bala.

Kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions) ang isasampa ng pulisya kontra sa suspek sa piskalya ng Lungsod ng Malabon.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.