KALABOSO ang isang criminology graduate at dalawa pang kasamahan nito sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Damayang Lagi, Quezon City, Huwebes ng gabi.
Tinukoy ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Brigadier General Ronnie Montejo ang pangunahing suspek na si Arjoy Teves, 31 taong gulang, at itinuturing na No. 4 drug personality sa listahan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO).
Kasama ni Teves sa dinakip sina Gregorio Periodica, 55-anyos at ang kalive-in nitong si Jenieca Tabalno, 29-taong gulang.
Ikinasa ng mga awtoridad ang buy-bust operation matapos na makatanggap ng impormasyon sa ilegal na aktibidad ng mga suspek.
Tinatayang 15 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang Php102,000.00, 140 gramo ng marijuana na may street value na Php16,800.00, apat na gramo ng high-grade marijuana (Kush) na nasa Php6,000.00, 15 packs ng valium, 391 tablets ng dangerous drugs, drug paraphernalia at Php10,000.00 cash ang nasamsam mula umano sa mga suspek. Nahaharap ang tatlo sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.