Breaking News

Share this information:

INIUTOS na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagtatayo ng sarili nitong storage facility para sa mga bibilhing bakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, itatayo ang naturang Manila COVID-19 vaccine storage facility sa compound ng Santa Ana Hospital, na isa sa anim na district hospitals ng Maynila.

Kaya aniyang mag-accommodate ng anumang uri ng mga bakuna kontra COVID-19 ang storage facility.

Sa ngayon, nilagdaan ng alkalde ang mga dokumento para sa pagbili ng 12 refrigeration system.

Bukod dito, kukuha rin ang pamahalaang lungsod ng 50 units ng transport cooler bilang  paghahanda sa paparating na mga bakuna.

Target naman na matapos ang konstruksyon ng storage facility sa loob ng mga darating na linggo.

Ang Maynila ay isa sa 39 na lokal na pamahalaan na lumagda sa Tripartite Agreement kasama ang NTF/ DOH at AstraZeneca para sa suplay ng COVID-19 vaccines.

Inanunsyo ni Moreno na mayroon nang tiyak na 800,000 doses para sa kanilang mga residente. Nasa P250 million ang pondo ng Manila LGU para sa pagbili ng mga bakuna.

Nagpapatuloy naman ang pre-registration para sa mga Manileno na nagnanais ng libreng bakuna sakaling dumating na at ma-rehistro ang mga ito sa bansa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: