COVID-19 booster rollout sa bansa ay “relatively slow” — Galvez

INAMIN ni National Task Force against COVID-19 (NTF) chief implementer at vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr. na may kabagalan ang COVID-19 booster dose rollout sa bansa.

Nasa 2.5 milyon naman na mga senior citizens ang hindi pa nababakunahan kontra COVID-19.

Ito ang tinuran ni Galvez sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan sinabi nitong “relatively slow” ang pagtuturok ng booster shots, at kailangan pang hanapin at bakunahan ang 2.5 milyon na “unvaccinated” na mga nakatatanda.

Hamon pa rin ang “vaccine hesitancy” o may mga tao na kapag naka-dalawang dose na ng COVID-19 vaccine ay ayaw nang magpa-booster shot, dagdag nito.

Binanggit ni Galvez na upang mabigyang solusyon ito, target ng pamahalaan na gawing muli ang mass COVID-19 vaccination na tututok naman sa mga senior citizen.

Palalawakin din ang pagbibigay ng booster dose sa 20 milyon na eligible targets.

Pumalo naman sa 5.7 milyon ang mga ganap nang bakunado laban sa COVID-19 para sa mga batang edad 12 hangggang17 anyos.

Desidido din ang gobyerno na masimulan na ang pagbabakuna para sa mga batang 5 hanggang 11-anyos. Sinabi ni Galvez na nakikipag-usap na ang ambassador ng Pilipinas sa Amerika para mapadali ang delivery ng Pfizer vaccines na angkop sa naturang mga edad.

Samantala, sinabi ng kalihim na kailangang palakasin ang kapasidad ng mga lokal na pamahalaan upang maging tuloy-tuloy at mapabilis pa ang pagbabakuna.

Bagama’t abala ang mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan para sa darating na eleksiyon, kailangan pa rin na matiyak ng mga ito na matututukan ang bakunahan, paalala ni Galvez.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.