Congressman Frasco ng Cebu, inireklamo dahil sa “pagparty-party” sa gitna ng pandemya

SINAMPAHAN ng reklamo sa Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa paglabag sa umiiral na regulasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) si Cebu 5th District Representative Vincent Franco “Duke” Frasco sa pagiging pasimuno nito sa isang malaking party event sa Camotes Island nitong buwan ng Hulyo, 2021

Batay sa dokumentong nakalap, Agosto 13, 2021 nang iparating kay DILG Region VII Director Jhoaden Lucero ang reklamo ng isang hindi na nagpakilalang indibidwal laban kina Frasco, Mike Villamor at Provincial Board Member Red Duterte dahil sa pag-organisa ng social party gathering na ginanap nitong July 10, 2021 sa Barangay Santiago Public Beach, Camotes Island, Cebu.

Una ay nagdaos muna ng fun run ang grupo ni Frasco bago ginanap ang party kinagabihan ng araw din na iyon kung saan ay na dokumentuhan ang pangyayari.

Nakuhanan ng video si Frasco habang humahataw sa sayaw kasama ang ilang personalidad habang makikita din na dinagsa ang beach ng mga taong nanunuod ng party na literal na nagdikit dikit ang mga katawan at hindi na naobserbahan ang minimum health protocol partikular ang physical distancing.

Ayon sa reklamo, malinaw na paglabag sa IATF rules ang event na inorganisa ni Frasco gaya sa pagbabawal sa mass gatherings at parties.

Wala din umanong clearance o permit si Frasco sa Barangay at LGU para ganapin ang nasabing super spreader event ilang araw matapos i-anunsyo ng DOH ang pagkakadiskubre sa mas nakakahawang Delta variant ng Covid-19.

Wala pang sagot si Frasco habang isinusulat ang ulat na ito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.