“Congressional Medal of Distinction” sa tatlong Pinoy boxers

GAGAWARAN ng Kamara ng “Congressional Medal of Distinction” ang tatlong boksingerong Pilipino na nagkamit ng medalya sa katatapos lamang na 2020 Tokyo Olympics.

Naghain ng resolusyon ang mga lider ng Kamara, sa pangunguna ni House Speaker Lord Allan Velasco, para pagkalooban ng naturang pagkilala si Olympic Silver medalist Nesthy Petecio.

Sa House Resolution 2093, nagpaabot din ng pagbati ang mga House leader kay Petecio na nag-uwi ng unang pilak na medalya ng Pilipinas mula sa women’s boxing sa Olympics.

Inaasahan din na gagawaran sina Filipino boxers Carlo Paalam, na nagkamit ng pilak na medalya; at Eumir Marcial, na nag-uwi ng tansong medalya mula sa Olympics.

Sa isang pahayag, sinabi ni Velasco na ang pagkamit ng medalya sa Olympics ay hindi madali para sa mga nabanggit na Pinoy boxers na lumaban sa “best athletes” sa buong mundo.

Ani pa ni Velasco, sina “Nesthy, Carlo at Eumir” ay maituturing na pambansang bayani sa larangan ng sports.

Ang Congressional Medal of Distinction ay parangal para sa mga Filipino achiever sa sports, business, medicine, science, at iba pang larangan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.