PINANINDIGAN ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Huwebes na mananatili pa rin na sa ika-30 ng Setyembre ang deadline ng pagpaparehistro ng mga botante para sa 2022 election.
Sa kabila ng mga panawagan ng Kamara, Senado at iba’t ibang grupo, hindi pa rin pumayag ang Comelec na palawigin ang extension ng voter registration sa bansa.
Sa isang joint congressional panel hearing, sinabi ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na dalawang beses nang ibinasura ang ideya na i-extend ang deadline ng voter registration ng isa pang buwan.
“As what we have said, en banc already ruled twice not to extend,” ayon kay Casquejo.
Dagdag pa ni Casquejo, susunod ang ahensya kung maisasabatas ang mga pending bill na nagnanais na palawigin ang voter registration deadline hanggang ika-31 ng Oktubre.
“We are also aware of the pending bills… mandating Comelec to extend registration until Oct. 31. If that bill will be passed as a law, we will comply,” pahayag ni Casquejo.
May ideya naman si Casquejo na buksan muli ang voter registration ng isang linggo pagkatapos ng filing of certificates of candidacy (COC) sa ika-1 hanggang ika-8 ng Oktubre.
Gayunman, hindi pa rin kuntento ang mga mambabatas dahil malayo raw umano ito sa kanilang panawagan na isang buwang pagpapalawig.
“Ang layo ng 1 week sa 1 month na hinihingi ng legislature. Sa dinami-dami ng nakapila… Ang layo, hindi siya compromise,” pahayag naman ni Sen. Imee Marcos.
Ipinaliwanag naman ng poll commissioner na ang mas mahabang extension ay maaaring magdulot ng pagkaantala sa 2022 elections.
(PHOTO CREDIT: pna.gov.ph)

