BINIGYAN na ng go signal ng Food and Drug Administration o FDA ang pagsasagawa ng independent clinical trials sa Pilipinas ng Janssen COVID-19 vaccine ng Johnson & Johnson.
Kinumpirma ito ni FDA Director General at Health Undersecretary Eric Domingo na aniya, mula sa tatlong aplikasyon para sa independent trials ay ang pagsusubok sa Janssen pa lamang ang aprubado.
Nuong Lunes lamang aniya nakapasa ang Janssen sa final regularatory review para sa safety at efficacy ng Ethics Board at FDA.
Ayon kay Domingo, sa unang bahagi ng susunod na taon o Enero 2021 ay masisimulan na ang clinical trial phase 3 para sa Janssen COVID-19 vaccine.
Ang DOST Vaccine Expert Panel ang tutukoy ng mga lugar na pagdarausan ng clinical trials.
Sinabi ni Domingo na mayruon na lamang pinaplantsa para sa recruitment ng participants o mga makikibahagi sa clinical trials para sa Janssen at posibleng maumpisahan na ito sa mga susunod na linggo. (V. Reyes)