BUMAGSAK sa kamay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese national na nahulihan ng shabu sa isang buy-bust operation na isinagawa kamakailan.
Nakumpiska mula sa suspek, na kinilala bilang si Wang Kejun, ang 11 transparent plastic sachet na may lamang aabot sa 10.2 gramo ng hinihinalang shabu.
Si Wang ay naaresto sa drug buy-bust operation na isinagawa noong Disyembre 5 ng NBI-National Capital Region, katuwang ang NBI-Dangerous Drugs Division, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP).
Ayon sa NBI, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ang NBI-NCR ng impormasyon kaugnay sa isang Alyas Tang na kalaunan ay nakilala bilang si Wang Kejun at kanyang kasabwat na sangkot di-umano sa pagbebenta at distribusyon ng shabu.
Matapos ang proper coordination sa PDEA at PNP, isinagawa ang test-buy operation sa Makati City at kinumpirma na ang nasabing substance na binili kay Wang ay shabu.
Kinasuhan na si Wang ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

