GINAWARAN kamakailan ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng kauna-unahan nitong “Seal of Good Local Governance” mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Mismong sila Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo-Nieto ang tumanggap ng nasabing parangal mula sa DILG sa isang seremonya na ginanap sa Manila Hotel.
Ikinagalak naman ni Lacuna-Pangan ang paggawad ng naturang parangal sa siyudad dahil mula nang magsimula ang DILG sa pagbibigay ng ganitong pagkilala, ngayong taon lamang napasama ang lungsod ng Maynila sa mga nabigyan ng parangal.
Ang “Seal of Good Local Governance” ay nagpapakita na naging wasto o maayos ang pamamahala sa isang lokal na mapahalaan.
Ang maayos na paggastos sa pera ng bayan ang isa sa ikinukonsidera sa pagbibigay ng ganitong pagkilala, gayundin ang pagpapatupad ng mga programa at proyekto na pinakikinabangan ng taumbayan at ang mablis na aksyon sa mga komunidad.
Ayon kay Lacuna-Pangan, hindi magiging posible ang tagumpay na ito ng lungsod kung hindi dahil sa pagpupunyagi ng lahat at hindi ng iilang tao lamang.
“Ang pagkilala pong ito na ating tinaggap ay isang patunay na ang Tapat at Totoo na paglilingkod sa mga Manileno ay may bunga. Ang hamon ko po sa lahat, ipagpatuloy po natin ang magandang simulaing ito,” dagdag pa ni Mayor Lacuna-Pangan.

