SINABI ng Department of Health (DOH) na wala pang naitatalang kaso ng bagong COVID-19 variant na C.1.2 na nagmula sa South Africa.
Ayon sa isang eksperto, ang nasabing bagong variant ay hindi pa maaaring mai-tag na variant of interest (VOI) at variant of concern (VOC).
Pero ito ay maaaring maging lubos ba nakakahawa ayon sa isang eksperto.
Sinabi ni infectious diseases and tropical medicine expert Dr. Rontgene Solante na base sa ilang pag-aaral ay ipinapakita na ang C.1.2 variant ay may mutation ng spike protein tulad ng ibang mga coronavirus variant.
Sinabi ni Solante na mayroon itong mutation sa spike protein gaya ng nakita sa mga ibang COVID-19 variant na Alpha, Beta, Gamma, Delta at Lambda.
“May nakitang mutations sa parte ng spike protein na may kahawig sa variants of concern at variant of interest na puwedeng mabawasan ang antibody o bisa ng antibody sa mga bakuna,” pahayag pa ni Solante.
Sinabi naman ni Solante na inaasahan na makakatuklas pa ng maraming datos ang mga eksperto upang matukoy kung ang bagong variant ay maiuuri bilang isang variant of interest o variant of concern.
“They are monitoring it and siguro hintayin natin kung mayroong additional data sila in the next few days or few weeks, para makita natin kung it is another variant na makahanay sa variant of interest or sana naman hindi doon sa variant of concern,” anang dalubhasa.
Ayon sa World Health Organization (WHO) na ang variant of concern ay nangangahulugang ang coronavirus variant ay maaaring magkaroon ng pagtaas sa transmissibility o pagtaas ng virulence o pagbaba ng pagiging epektibo ng kalusugan ng publiko.

