PORMAL nang nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Hermosa sa lalawigan ng Bataan, NLEX Corporation at Metro Pacific Tollways Corporation (MTPC) para sa Hermosa lighting project sa Hermosa, Bataan.
Nagsimula ang proyekto nang ang lokal na pamahalaan ng Hermosa ay humiling sa NLEX Corporation ng ilaw sa kalsada na sumasaklaw sa humigit-kumulang dalawang kilometro. Ayon sa plano, ito ay upang maging mas ligtas ang paglalakbay papuntang T-intersection na matatagpuan sa Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEX) Roman Highway Access Road at Roman Highway, Hermosa, Bataan.
Bukod dito ay maglalagay din ng mga directional sign, PVC bollard sa median at metal strips para gawing gabay at upang mas maging maginhawa ang pagmamaneho sa gabi ng mga motorista at upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
“Sa ngalan ng Bayan ng Hermosa, buong-puso po nating tinanggap at taos-pusong pinasalamatan si J. Luigi Bautista, President and General Manager ng NLEX Corporation, sa patuloy na pakikipag-ugnayan at walang sawang pagsuporta sa Bayan ng Hermosa, lalong-lalo na po pagdating sa road safety,” pahayag ni Hermosa Mayor Jopet Inton.
Ayon pa kay Mayor Inton, ang proyektong ito ay ang pagsiguro sa kaligtasan ng publiko at isa sa mga pangunahing priyoridad aniya sa pagpapatakbo ng mga expressways.
Ang MOA Signing ay sinaksihan din nina Atty. Joseph Marigomen First Vice President for Legal Services ng NLEX Corp., Hermosa Vice Mayor Patrick Rellosa kasama ang mga Sangguniang Bayan members, at iba pang mga kawani ng lokal na pamahalaan.