Budget para sa 2025, aprubado na ng PhilHealth Board; mas mataas na benepisyo at case rate, asahan

INAPRUBAHAN na ang P284-bilyon na Corporate Operating Budget (COB) ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) para sa taong 2025.

Ang kabuuang halaga ay 10 porsyentong mas mataas kaysa sa nakaraang taon na P259 bilyon. Inaprubahan ito ni Department of Health (DOH) Secretary Dr. Teodoro Herbosa, kasama ang mga miyembro ng PhilHealth Board of Directors o “Board.”

Inaprubahan din ng Board ang itinaguyod ng Benefits Committee (BenCom) na ikalawang round ng pagtaas sa mga piling case rate ng hanggang 50 percent. Karagdagan pa ito sa benepisyo sa emergency care, mga salamin at optometric services para sa mga bata, mga benepisyo sa open heart surgery, at pagtanggal ng katarata sa bata.

Ang COB ay bersyon ng PhilHealth ng General Appropriations Act (GAA, para sa pambansang pamahalaan) o isang General Appropriations Ordinance (GAO, para sa mga local government units). Ang COB 2025 na inaprubahan ng Board ay kumilala na sa zero government premium subsidy para sa mga indirect contributors para sa 2025, ayon sa desisyon ng Bicameral Conference Committee (Bicam) ng Kongreso. Kabilang dito ang pagkalkula ng PhilHealth Management ng P150 bilyon na sobrang pondo noong Oktubre 31, 2024. Ang formula na ginamit ay naipon na netong kita o “accumulated revenues” sa mga nakaraang taon na P431 bilyon, matapos ibawas ang Reserve Fund ceiling na P281 billion.

Sa loob ng 2025 COB ay ang halagang P271 bilyon na naka-program para sa mga benepisyo, na mas mataas ng 11 porsiyento kumpara sa FY 2024. Isinasaalang-alang ng pagtaas na ito ang mga pagtaas ng inaprubahan ng Board sa mga case rates, Z benefits, PhilHealth Konsulta sa P1,700 at P2,100 capitation bawat tao, at 156 hemodialysis session sa P6,350 bawat session. Kasama rin dito ang mga pondo para sa emergency care, outpatient mental health, severe acute malnutrition, at marami pang ibang standalone outpatient packages. Sa kabila ng pagtaas ng budget para sa mga benepisyo, inaprubahan ng Board ang pagtaas ng tatlong porsiyento lamang para sa mga administrative expenses, mula P12.1 billion noong FY 2024 hanggang P12.5 billion sa FY 2025.

Ang mga capital expenditures sa PhilHealth COB 2025 ay nalimita sa P259 milyon lamang, na mas mababa ng 91 porsyento kaysa sa naaprubahang katumbas noong FY 2024 na P2.9 bilyon. Naobserbahan din na ginamit lamang ng management ang walong porsiyento ng COB 2024 nito para sa pagbili ng information and communications technology (ICT) equipment at iba pang capital expenditures. Bagama’t hindi ito nagbigay ng bagong budget sa ICT para sa FY 2025, pinalawig ng Board ang bisa ng COB 2024 para sa mga proyekto ng ICT sa halagang P989 milyon upang matiyak na ang digitalization ay uunahin.

Maraming pera ang PhilHealth, higit pa sa reserve fund ceiling na pinapayagan ng batas. Ang surplus na ito ay resulta ng mababang pagbayad ng benepisyo sa mga lumipas na taon, kaya naman ang mga pamilyang Pilipino ay nagbabayad ng mataas mula sa bulsa,” ayon kay Herbosa. “Inaprubahan ng Board ang mas mataas na benepisyo at isang budget para sa 2025 na kumikilala na dapat gumastos ng mas malaki ang PhilHealth para mas maliit ang gagastusin ng mga pamilya,” dagdag pa ng DOH chief.

Ang PhilHealth Board of Directors na pinamumunuan ng Secretary of Health (na hindi makakaboto) ay may apat na iba pang miyembro na ex-officio, na kinabibilangan ng mga Secretary ng Finance, Budget and Management, Social Welfare and Development, at Labor. Mayroon din itong tatlong miyembro ng expert panel at apat na sectoral na miyembro. Nananatiling bakante ang isa pang upuan para sa isang kinatawan ng mga local chief executive.

Ang Board ay hiwalay at naiiba sa mga Executive Officer ng PhilHealth, sa pangunguna ng President and Chief Executive Officer (PCEO) nito na si Emmanuel Ledesma, Jr. at Executive Vice President at Chief Operating Officer (EVP/COO) na si Eli Diño Santos.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.