AABOT sa 70 bollard ang nabuwal nang araruhin ng drayber ng oil tanker na sinasabing nawalan ng kontrol sa kanyang sasakyan habang binabagtas ang EDSA Shaw Southbound tunnel, madaling araw ng Biyernes.
Para kay MMDA EDSA traffic chief Bong Nebrija, “bollard massacre” na matatawag ang nasabing insidente.
Katwiran naman ng drayber na si Ronald David, pumutok ang gulong sa harapan at likuran ng kanyang sasakyan kaya’t rumagasa sa mga bollard na inabot ng 200 metro ang haba ng tinamaan.
Gayunaman, iginiit ni Nebrija na delikado ang nangyari dahil posibleng tumabog ang tanker at sa init na idudulot nito ay puwedeng bumagsak ang istruktura ng MRT.
Isinalang din sa breath analyzer test si David at natukoy ang 0.07 reading, na ang ibig sabihin ay nakainom ng alak ang drayber.
Sinabi pa ni Nebrija na maghahain sila ng reklamo upang magpalabas ng show cause order ang Land Transportation Office at maimbestigahan kung dapat na matanggalan ng lisensya ang drayber ng oil tanker.