Biyahe ng mga provincial bus, papayagan na – LTFRB

POSIBLE nang umarangkadang muli sa mga susunod na linggo ang mga pampublikong bus na biyaheng probinsiya.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) National Capital Region Director Atty. Zona Russet Tamayo, minamadali na ang pagproseso sa pagbubukas ng provincial buses.

“Wala pang specific date, but we’re trying to facilitate, expedite din po ang pagbubukas ng provincial buses hopefully in the next couple of weeks,” pahayag ni Tamayo.

“Sisimulan natin sa mga probinsya na malapit sa Metro Manila, katulad po ng Regions III and IV (A at B). Then eventually, mag-ease out sa mas malalayong regions naman po,” dagdag nito.

Sinabi ni Tamayo na nagpapatuloy na ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang makalikha ng iisa o uniform na requirements sa mga pasahero na papayagang tumawid sa mga lalawigan.

Ilan aniya sa mga posibleng hingin na mga dokumento upang makabiyahe sa probinsiya ay ang travel clearance ng local government unit na pagmumulan ng pasahero, clearance mula sa Philippine National Police, at government-issued ID.

Nasa 50-porsyento ng kapasidad ng provincial buses lamang ang papayagan bilang pagsunod sa safety at health protocol ng gobyerno.

Nilinaw din ni Tamayo na kahit limitado ang kapasidad para sa mga pasahero, hindi magbabago ang halaga ng pasahe.

(Photo credit: PHBus)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.