Birthday community pantry ni Angel Locsin, dinumog; senior citizen namatay sa pagpila

Share this information:

ISANG senior citizen ang nasawi makaraang pumila ng matagal sa siksikan at dinumog na community pantry ng aktres na si Angel Locsin sa Barangay Holy Spirit, Quezon City para sa kanyang kaarawan ngayong araw.

Nagkalimutan na sa pagsunod sa physical distancing, walang maayos na pagpila at hindi na nakontrol ng QC Task Force Disiplina ang dami ng mga taong sumugod sa community pantry ng aktres. Ang ilan sa mga dumagsa, hindi na rin naiayos ang pagsusuot ng facemask at faceshield.

Karamihan umano sa mga pumila ay madaling araw pa lamang nag-abang na mabigyan ng claim stub tulad ni Rolando dela Cruz, 67-anyos at walang trabaho.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-nueve ng umaga nang biglang himatayin si dela Cruz habang nasa pila. Agad siyang isinugod sa East Avenue Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival bandang alas-9:20 ng umaga.

Ang ilan naman sa mga nagtungo sa community pantry ay nagsabing kahit hindi na sila makatanggap ng ayuda mula kay Locsin kundi nais lang nilang makita ng personal ang aktres.

Aminado naman ang aktres na bagamat napaghandaan nila ang maayos na distribusyon ay hindi nila inasahan na dudumugin ng mga tao ang community pantry na nais lamang niyang gawin para ipagdiwang ang kaarawan.

Humingi ng paumanhin ang aktres sa nangyari.

“Sa lahat po ng naabala ngayon, pasensya na po. Hindi po ito talaga ang intensyon natin. Kahit anong paghahanda namin para ma-avoid yung gantong gulo, hindi lang talaga siya ma-kontrol kahit na nandito na yung munisipyo, military, pulis, barangay,” ayon sa aktres. 

“Sa mga hindi po mabibigyan today, nais ko din humingi ng pasensya. Gustuhin ko mang mag-abot, I don’t think papayagan ako ulit na gawin ‘to. Baka ipahatid na lang namin to kung ano mang matitirang goods sa area para mapakinabangan ng iba. Pasensya na po. Gusto ko lang po talagang i-celebrate ang birthday ko na makatulong sa ibang tao. Hindi ko po intensyon na makagulo,” dagdag nito.

Samantala, pinulong ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga departamento sa lungsod upang makapaglatag ng malinaw na panuntunan patungkol sa pagsulputan ng community pantries sa kanilang nasasakupan sa gitna ng nararanasan pa ring pandemya dulot ng COVID-19.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.