IGINIIT ng Department of Health (DOH) na ang biniling mga personal protective equipment o PPE sets ng ahensya mula sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ay mas mura at umaabot sa pamantayan ng World Health Organization (WHO).
Ayon sa DOH, kasama sa PPE sets ang siyam na components gaya nang coverall suits, gloves, N95 mask, head cover, shoe cover, surgical mask, surgical gown, apron, at face shield.
Bukod dito, sa kabila ng mataas na antas ng demand at limitadong pandaigdigang panustos, ang mga PPE ay nakuha sa mas mababang halaga kaysa sa mga pre-COVID-19 na presyo.
Nakuha ng DOH ang mga PPE mula sa PS-DBM sa halagang mula P1,700 hanggang mas mababa sa P2,000.
Mas mura din ito kaysa sa inilaan na badyet ng DOH na P2,000 bawat yunit tulad ng nakapaloob sa Purchase Request (PR) sa PS-DBM.
Binigyang diin pa ng DOH na, bilang isang pangkalahatang patakaran sa procurement, hindi pinapayagan ang pagtukoy sa anumang brand.
Ipinaliwanag ng kagawaran na ang mga pagtutukoy na panteknikal na itinakda sa panahon ng pagkuha ng mga PPE ay batay sa mga pamantayan sa WHO.
Bilang karagdagan, ang mga sets ng PPE na idinidiliver ay sinuri, bineripika at napatunayang maayos at naaayon sa technical specifications set.
Hindi rin nakatanggap ng anumang reklamo ang DOH mula sa healthcare workers sa kalidad ng PPE sets na nabili.
Sinabi pa ng ahensya na agad na nakapagbigay ng malaking bilang ng PPE sets sa mga healthcare workers sa simula pa lamang ng pandemya.
Dagdag pa ng DOH na mananatili itong accountable at transparent sa publiko hinggil sa paggamit ng mga pondo.

