PARA maiwasan ang pagbabaha sa Metro Manila nagsagawa ng cleanup operation ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at lokal na pamahalaan ng San Juan City sa San Juan River sa bahagi ng Lambingan Bridge sa nasabing lungsod.
Pinangunahan nina MMDA Chairman Atty. Don Artes at San Juan City Mayor Francis Zamora ang paglilinis sa ilalim ng programang “Bayanihan sa Estero” ng ahensya na nakatutok sa sistematikong pag-alis ng mga naipong basura mula sa mga estero at ilog sa buong Metro Manila.
Bahagi ang programa ng tugon ng MMDA sa socio-economic agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na naglalayong palakasin ang disaster resilience ng bansa at linisin ang mga drainage infrastructure .
Sabi ni MMDA chairman Artes, regular na nagsasagawa ang MMDA ng clearing operations sa mga drainage system ng Metro Manila na kinabibilangan ng declogging laterals, dredging waterways, pag-alis ng silt sa drainage mains, at pag-aalis ng mga naipong solid waste na bumabara sa mga daluyan ng tubig at nagdudulot ng pagbaha.
Nag-deploy ang ahensya ng mga backhoe, crane, at dump truck para sa paglilinis at dredging operations.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Zamora sa MMDA sa pagdadala ng mga serbisyo ng Bayanihan sa Estero sa kanyang lungsod na makikinabang sa kanyang mga nasasakupan.
Paliwanag ni Zamora, ang San Juan River ay itinuturing na nasa ibaba ng agos, ang tubig ay mabilis na umaapaw at bumabaha sa panahon ng malakas na pag-ulan.
Gayundin, ang San Juan City ay may 113 na mga barangay na mabababang lugar at katabi ng San Juan River na palaging apektado ng baha.
Hinimok nina Artes at Zamora ang publiko na linangin ang disiplina at responsibilidad sa pagtataguyod ng wastong pamamahala ng basura.
Ang aktibidad ay sinamahan din ng mga volunteer mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ride-hailing apps Grab, Angkas, Joyride, Move It, at TUPAD beneficiaries.

