PATAY ang kapitan ng barangay Hulong Duhat sa Malabon City makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakikilang suspek kaninang hapon.
Ayon kay Bong Padua, public information office chief ng Malabon City, pasado alas-kuwatro ng hapon nang puntiryahin ng mga suspek si Kapitan Anthony “Tune” Velasquez, 40 taong gulang, habang nasa bakuran ng bahay nito.
Bagamat naisugod pa sa ospital, hindi na rin umabot ng buhay ang barangay kapitan.
Sinabi pa ni Padua na bago ang pagpatay kay Velasquez, nakakatanggap na ito ng mga pagbabanta mula umano sa mga grupo o sindikato ng ilegal na droga na nakabangga nito.

Photo courtesy: Malabon City PIO
Samantala, iniutos na ni Brigadier General Eliseo Cruz, director ng Northern Police District, ang pagdispatsa ng karagdagang puwersa ng pulisya sa Malabon City upang matutukan ang sunud-sunod nang mga insidente ng pagpatay sa lungsod.
Kanina ay nagkaroon ng dayalogo ang mga barangay kapitan sa Malabon City kasama ang NPD at Mayor Antolin Oreta III para maresolba ang tumataas na antas ng krimen sa lungsod kasabay ng kanilang mariing pagkondena sa pagpatay kay Velasquez.