Hindi pa handa ang Metro Manila na isailalim sa mas maluwag na Modified General Community Quarantine o MGCQ dahil parin sa malalang banta ng pandemya.
Ito ang opinyon ni Dr. Antonio Dans, convenor ng Healthcare Professionals Alliance Against Covid 19 kasunod ng pahayag ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na maari ng ilagay sa MGCQ ang National Capital Region (NCR) pagkatapos ng Setyembre 30 upang makabangon ang ekonomiya ng bansa.
“Tingin namin hindi sapat na dahilan yung hindi na kaya ng ekonomiya kasi pag yun ang dahilan ay para na tayong sumuko. Ika nga, aanhin ang kabuhayan kung wala na ang buhay,” sabi ni Dans.
Dagdag pa ni Dans, hindi dapat puro ekonomiya lang ang konsiderasyon kundi dapat din isipin ang kakayahan ng ating bansa na labanan ang covid pandemic.
Pinuna rin ni Dr. Dans ang ilan sa mga kakulangan ng ating bansa sa paglaban sa COVID-19 pandemic tulad na lang ng mano manong contact tracing at mabagal na internet na nagiging sanhi din ng pagka delay ng data transmission.