Bangka tumaob, 11 mangingisda nailigtas

NASA 11 mangingisda ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos tumaob ang kanilang bangkang pangisda sa karagatan na sakop ng Zamboanga City, partikular sa pagitan ng Tictabon Island at Mampang.

Sa report, nakatanggap ang PCG ng tawag mula sa mga residente ng Mampang hinggil sa tumaob na bangkang  F/B JAYA-1 sakay ang 11 mangingisda kabilang ang kapitan nito pasado alas-10:00 ng gabi.

Unang nasagip ng Philippine National Police (PNP) Maritime Group ang dalawa sa mga mangingisda, habang ang PCG Station Zamboanga naman ay nailigtas ang apat na mangingisda na nasa maayos na kalagayan.

Makalipas naman ang isang oras, nasagip rin ng PCG search and rescue (SAR) team ang lima pang mangingisda na nasa ibabaw ng tumaob nilang bangka na tinatayang may layong 2.5 nautical miles mula sa baybayin ng Mariki Island sa Zamboanga. 

Nahatak naman ng Philippine Navy floating asset ang bangka ng mga mangingisda at saka ito nadala sa malapit na dalampasigan.

Sa kasalukuyan, iniimbestigahan pa ng Coast Guard ang dahilan kung bakit tumaob ang nasabing bangka kung saan isa sa nakikita nilang dahilan dito ay ang malakas na alon ng karagatan.

(PHOTO CREDIT: PCG Facebook page)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.