BINIBERIPIKA na ng Department of Health (DOH) ang kumakalat na impormasyon sa social media na may isang balikbayan na positibo sa Omicron pero hindi dumaan sa quarantine bukod pa sa nakipag-party pa sa kanilang lugar.
“The DOH is aware of a circulating social media post about an alleged individual who violated quarantine protocols. We are still investigating the case and coordinating with concerned offices to further determine the veracity of the claims in the said post,” bahagi ng inilabas na pahayag ng DOH.
Ito ay kasunod ng isang post sa Twitter ukol sa isang babae mula sa US na hindi dumaan sa quarantine at umano’y nagawa pang makipag-party.
Mayroon din umanong 12 tao na kaniyang nakasalamuha ang nagkasakit na ngayon.
“She had Omicron but paid a facility in the province to lie for her,” ayon sa post.
Sa kabila nito, pinaalalahanan naman ng DOH ang publiko na mag-share lamang ng mga beripikadong impormasyon mula sa mga opisyal na sources para hindi malito o matakot ang publiko.

