Isa na ang lumabas na nagpositibo sa swab test sa ilalim ng Balik-Maynila swabbing operation ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Sa ibinahaging datos ng Manila Public Information Office (PIO), ito ang kauna-unahang kasong iniulat sa ilalim ng nasabing operasyon billang pag-iingat na rin sa pagkalat ng COVID-19 maging ang sinasabing bagong variant ng virus.
Ayon kay Manila-PIO Chief Julius Leonen, isang 28 anyos na babae ang nasabing pasyente na nagpositibo, na bumiyahe mula Pampanga at residente ng Sampaloc.
Kasalukuyan na umanong nasa quarantine facility ang nasabing indibidwal. Nagsasagawa na rin ng contact tracing sa mga posibleng naka-salamuha ng nasabing pasyente.
Nabatid na umabot na sa kabuuang 576 ang mga nate-test base sa tala ng Manila Health Department (MHD) mula nang ikasa ang Balik-Maynila swabbing operation na naglalayong mapigilan ang pagkalat pa ng virus sa mga nagbabalik-siyudad na mga biyahero o sa mga nagbakasyon sa kani-kanilang mga probinsiya nitong holiday season.
Tuloy-tuloy naman ang nasabing programa, habang may mga nagbabalik pa sa Maynila na mga residente.