Bakbakang Domagoso at Lacuna-Pangan sa pagka-alkalde ng Maynila, nagsisimula nang uminit

TILA nagsisimula nang magkakaroon ng mainit na bakbakan sa pagka-alkalde sa lungsod ng Maynila sa darating na 2025 midterm elections matapos bumuo ng bagong partido pulitikal ang dating alkalde na si Francisco Domagoso.

Ito ay matapos kumalas si Domagoso sa “Asenso Manilenyo” at nagbuo ng bagong partido na tinawag nitong “Bagong Maynila” dahil sa umano’y hindi magandang resulta ng pinakahuling pagpupulong nila at ng kasalukuyang alkalde na si Honey Lacuna-Pangan.

Sa kanyang Facebook page, binitawan ni Domagoso ang katagang  “Ang pagkakaibigan nagtatapos kapag ang pinag-uusapan ang kapakanan ng taumbayan,” kasabay ng pagpapa-abot ng pasasalamat sa mga nakaupong mga konsehal na aniya ay “piniling manindigan.”

Kabilang dito sina Konsehal Timothy Oliver Zarcal, Darwin Awi Sia, Elmer Par, Jesus Taga Fajardo, Dr. Irma Alonzo, Ian Banzai Nieva, Joel Villanueva, DJ Bagatsing, Lady Quintos, Mon Yupangco, Jaybee Hizon, Bobby Espiritu at Sangguniang Kabataan Federation chairman Yanyan Ibay.

Sa isang kaganapan sa ikalimang distrito, makikita ang pagkasabik ng mga mamamayan sa dating alkalde na naging panauhing pandangal kasabay ng apat pang konsehal.

Isinaad ni Domagoso sa kanyang mensahe na posibleng magkawatak-watak ang pulitika at magkaroon ng hindi pagkakaintindihan. 

Dagdag pa niya, kapag taumbayan na ang pinaguusapan ay posibleng magtapos na rin ang pagkakaibigan ng mga pulitiko. Isinaad ito ni Isko matapos siyang hikayatin ng mga tao na magbalik sa pulitika sa Maynila. 

Sinabi naman ni Lacuna-Pangan sa kanyang Facebook post na ang kanyang prayoridad ay ang pagkalooban ng pangangailangan ang mamamayan lalo na’t sa Oktubre 1 hanggang 8 pa ang paghahain ng kandidatura ng mga nagnanais tumakbo sa posisyon kaya’t hindi pa aniya oras para sa pulitika.

Pagtutuunan muna niya ng pansin ang pangangalaga at pagseserbisyo sa lahat ng Manileño na nagluklok sa kanya sa pagiging Ina ng Lungsod ng Maynila.

Tanggap ko ang realidad ng pulitika. Batid ng mga Manileño na bago pa man mabuo ang tambalang Isko-Honey noong 2019 elections at mula pa noong nabubuhay pa ang aking ama at Asenso Manileño founder Danilo Lacuna Sr., turingang magkapatid na ang panata namin ni Isko sa isa’t isa,” pahayag ng alkalde.

As his Ate in public service, I am here to guide him. I acknowledge that the upcoming election in Manila will be a test for the Manileños to weigh my character, leadership, service, and vision for Manila,” pahayag pa ng alkalde.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.