SINABI ng Department of Health (DOH) nitong Martes na tumaas ang bilang ng mga kaso ng dengue sa bansa ng 30 porsiyento noong Hunyo 29 sa gitna ng panahon ng tag-ulan.
Ayon sa pinakahuling datos ng DOH, nakapagtala ng 6,323 kaso ng dengue noong Mayo 19 hanggang Hunyo 1 o simula ng rainy season, ang numero ay tumaas naman sa 8,246 mula Hunyo 2 hanggang Hunyo 15.
Sinabi ng DOH na inaasahan na ang pagtaas ng kaso ng dengue bunsod ng mga pag-ulan na nagdadala ng maraming tubig na nagiging “stagnant” o hindi gumagalaw.
Kapag pinabayaan ang nakaimbak na tubig ay pinamumugaran ito ng Aedes aegypti mosquito na siyang nagiging responsable para sa paglaganap ng dengue.
Ang kabuuang bilang ng mga kaso ng dengue simula nang magsimula ang taon ay nasa kabuuan nang 90,119 at nasa 233 na ang namamatay.
Ito ay 19 porsiyentong mas mataas kumpara sa nakaraang taon na may kabuuang bilang na 75,968 sa parehong panahon, ayon sa DOH.
Base sa epidemic curve, nabanggit na ang mga kaso sa lingguhang batayan noong 2024 ay lumapas sa naobserbahan noong 2023 mula Enero 1 hanggang Mayo 11.
Mula Mayo 12 hanggang Hunyo 29, ang lingguhang mga numero ng kaso ay bumalik sa alinman sa ibaba o bahagyang mas mataas sa naitala noong 2023.
Sinabi ng DOH na maaaring maiugnay ito sa patuloy na pinaigting na pagsisikap ng mga lokal na pamahalaan upang puksain ang mga lamok sa pamamagitan ng paghahanap at pagsira sa kanilang breeding water.
Sa nakalipas na anim na linggo bago ang Hunyo 29, namonitor ang pagsirit ng kaso ng dengue sa mga rehiyon ng Mimaropa, Cagayan Valley, Western Visayas, Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon at National Capital Region.
Pinayuhan naman muli ng DOH ang publiko na sundin ang “4S strategy” para labanan ang dengue.