Bahay at lupa, maagang pamasko sa mga residente ng Taliptip

Share this information:

Pormal nang naibigay ng San Miguel Corporation (SMC) ang mga titulo ng lupa sa mga dating residente ng Sitio Kinse sa Barangay Taliptip na direktang naapektuhan ng itatayong mega airport sa lalawigan ng Bulakan. Sila ngayon ay naninirahan na sa mga konkretong bahay at mas ligtas na lugar sa Barangay Bambang, Bulakan ngayong ka-Paskuhan.

Nakabili ng lupa at nakapagpatayo ng bahay ng mga naturang residente sa tulong ng financial assistance na ibinigay ng SMC na magtatayo ng P740 bilyon na airport sa Bulacan.

Tinulungan rin ng SMC ang mga residente sa paghahanap ng lupa, pagpapatayo ng bahay at pati ang pagkakaroon ng kuryente at tubig. SMC rin ang nag-asikaso sa paglilipat ng titulo sa pangalan ng mga residente.

Kasabay ng pagbibigay ng titulo noong Disyembre 3 ang house blessing ni Fr. Ramon Garcia sa mga bahay ni Teody Bacon, Teodoro Bacon, Rodel Alvarez, Primitivo Canceran, Roberto Bantigue, Jose Roger Requinto, at ang kanilang mga pamilya.

Sa Barangay Taliptip ay hindi pag-mamayari nina Bacon ang mga lupang kinatitirikan ng mga bahay nila. Wala rin silang kuryente at tubig sa naturang lugar.

Nakalipat na sila sa mga bagong gawang bahay noong Oktubre 31 bago pa man tumama ang bagyong Ulysses sa Luzon kasama na ang Bulacan.

”Kung kami lang siguro ang nag-asikaso baka ni-isang papel wala pa kami naaasikaso. Kaya salamat po talaga sa SMC sa pag-alalay nila sa amin mula sa paghahanap ng lote, pagpapatayo ng bahay at pag-aasikaso sa pagta-transfer ng titulo at higit sa lahat sa pag-aasikaso na magkaroon kami ng sariling tubig at kuryente,” wika ni Bacon.

Kahit nakadepende pa rin si Bacon at ang kanyang mga kapitbahay sa pangingisda ay plano rin nilang mag-enrol sa mga kurso na livelihood at skills training opportunities na pinondohan ng SMC sa pakikipagtulungan ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA).

Kamakailan ay ang unang 58 graduate ng TESDA ay nakatapos ng kanilang mga kurso sa shielded metal arc welding, electrical installation and maintenance, heavy equipment operations, dressmaking, at cookery.

Ang unang 12 graduate ng Heavy Equipment Operator course ay kukunin ng SMC para sa dredging project nito sa Tullahan River at pati na rin sa river improvement project sa Bulacan kung saan itatayo ng airport.

May 277 na may-ari ng ng konkreto at hindi konkretong bahay sa Taliptip ang nabigyan din ng financial assistance. Nabigyan ang mga may-ari ng hindi konkretong bahay ng P250,000 kada isa at mga mga may-ari ng konkretong bahay ay nabigyan ng appraised value ng kanilang mga bahay times two at may karagdagang P100,000. May kabuuan na 364 beneficiaries kasama na rito ang 87 na nadisqualify.

Sa kahilingan ni Malolos Bishop Dennis Villarojo ay ibinigay ng SMC ang total appraised cash value ng mga abandonadong chapel sa Sitio Pariyahan, Sitio Dapdap, Sitio Bunutan, at Sitio Capol sa 242 na residente ng mga sitio na ito.

Maliban sa Bulacan ay lumipat na ang mga residente sa Samar, Negros, Nueva Ecija, Sorsogon, Mindoro, Masbate, Camarines Sur, Malabon, Bataan Valenzuela, Paranaque, Dumaguete, at Albay.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.