Bahala na ang PDP-Laban na ayusin ang gusot sa partido — Comelec

Share this information:

NAGPAHAYAG ang Commission on Elections (Comelec) na nasa partido PDP-Laban na ang desisyon para ayusin ang bangayan sa loob ng partido kung saan dalawang paksyon ang nagsumite ng magkaibang hanay ng opisyal sa poll body.

Kinumpirma ng pangkat na pinamumunuan ni Senador Manny Pacquiao na nagsumite na sila ng kanilang sariling Sworn Information Update Statement (SIUS)- na naglalaman ng listahan ng mga opisyal ng partido – sa Comelec noong nakaraang buwan.

Nakapagfile na kami ng SIUS noong Hulyo pa (We already filed our SIUS in July),” pahayag pa ni  PDP-Laban Executive Director Ron Munsayac sa isang panayam sa telebisyon.


Tumanggi naman si Minsayac  na ibunyag ang mga detalye, kasama ang eksaktong petsa ng paghahain at ang mga pangalan ng mga opisyal.

Pinatalsik naman sa grupo ang vice chairman ng partido na si Energy Secretary Alfonso Cusi, kasama sina Secretary General Melvin Matibag at Membership Committee Chairperson Astra Naik.

Ngunit Agosto 4 nang magsumite rin ng kanilang SIUS ang kaalyado ni Cusi sa Comelec at naglabas din ng kopya ng dokumento. 

Pirmado ito ni Cusi at party chairman President  Rodrigo Duterte. Nakapaloob dito ang mga pangalan ng 16 na pambansang opisyal na inihalal sa isang pambansang asembliya na pinangunahan ni Duterte ngunit kinalaban ng kampo ni Pacquiao.

Sa ilalim ng calendar of activities ng Comelec, para sa 2022 elections, lahat ng political parties ay kailangang magsumite  ng kanilang SIUS hanggang Agosto 15.

Una nang sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na magsasagawa ng pagdinig kung ang paksyon sa loob ng isang partido ay nagsumite ng magkaibang dokumento. Ito ay upang matukoy kung alin o sino ang mga lehitimong opisyal ng partido base sa kung anong grupo ang nakasunod sa konstitusyon at by-laws ng partido.

Nangyari ito sa 2019 mid-term elections kung saan pinanigan ng Comelec ang pangkat na pinamumunuan ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III sa tunggalian nila ng pangkat na kasama si Rogelio Garcia. Ang desisyon ay kinatigan ng Korte Suprema.

Kapwa inaangkin nina Pimentel at Garcia na mga pangulo ang partido, katulad ng kaso ngayon kina Pacquiao at Cusi ngunit bumaba si Pimentel noong Disyembre at hinirang si Pacquiao bilang presidente ng partido na nagpasiklab naman ng tensyon.

Samantala, ang grupo ni Cusi ay naglabas naman ng kopya ng resolusyon noong Agosto 4 na iniindorso si Senator Christopher  “Bong” Go bilang standard bearer at Duterte bilang vice presidential bet sa 2022 elections.

Sinabi ni Munsayac  na ang mga miyembrong sumusuporta kay Pacquiao  ay naniniwalang “smokescreen’ lang ang Go-Duterte tandem upang takpan ang kanilang suporta para kay Davao City Mayor Sara Duterte ng regional group Hugpong Ng Pagbabago.

Kasi wala namang naniniwalang magkalaban silang dalawa… Si Bong Go vs. Sara, wala pong naniniwala. So tingin po ng mga partymates namin sa baba e smokescreen lang ito, distraction lang po ito,” ayon kay  Munsayac.

Ang pagtutulak para sa Duterte-Duterte tandem ay una nang itinanggi ni Cusi ngunit sinabing isasaalang-alang ng partido kung pipiliin ng Pangulo ang kanyang anak na babae bilang running mate.

Nitong Martes sa kanyang pahayag, inulit ni Go na hindi ito interesado sa pagkapangulo.

Ngunit sinabi pa nitong maaaring mabago ang kanyang pananaw kung ang Pangulo ay papayag na kanyang maging running mate.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.