LUMABAS na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Vicky kaninang alas-2 ng hapon.
Sa severe weather bulletin na ipinalabas ng PAGASA kaninang alas-5 ng hapon, kumikilos ang bagyo patungong Timog-Kanluran at naaapektuhan ng bugso ng Northeast Monsoon.
Inaasahan ng PAGASA na lalakas pa ang bagyong Vicky na magiging Tropical Storm sa mga susunod na oras.
Huling namataan ang sentro ng Tropical Depression Vicky dakong alas-kuwatro ng hapon sa layong 70-kilometro ng Timog-Silangan ng Kalayaan, Palawan.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 15-kilometro kada oras pa-Kanluran. Taglay nito ang lakas ng hangin na hanggang 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbusgong 70 kilometro kada oras.
Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Kalayaan Islands.
3 patay sa Agusan del Sur
TATLONG residente sa Agusan del Sur ang nasawi sa gitna ng pananalasa ng Tropical Depression Vicky.
Unang iniulat na nawawala ang tatlong biktima.
Dalawa sa mga namatay sa kalamidad ay kawani ng gobyerno habang ang isa pa ay residente ng munisipalidad ng Talacogon.
Nabatid din mula kay Agusan del Sur Governor Santiago Cane Jr., na anim na munisipalidad sa lalawigan ang binaha at tatlo sa mga ito ay malapit sa Agusan River.
Aabot naman sa 985 pamilya ang inilakas at nananatili sa evacuation centers.
Samantala, binaha rin ang mga bahay sa Casiguran, Aurora at dalawang kalsada ruon ang hindi madaanan ng mga maliliit na sasakyan.
Mayruong ilang sasakyan ang nagtangkang tumawid sa baha ngunit sila ay nabahalaw.
Pinsala sa imprastruktura nasa P105M
MAHIGIT sa P105-milyong halaga ng imprastraktura ang nasira sa rehiyon ng CARAGA dahil sa bagyong Vicky.
Bunsod ito ng mga pag-ulan, pagbaha at pagguho ng lupa na naitala sa mga lalawigan ng Agusan Del Norte, Agusan Del Sur, Dinagat Islands, Surigao Del Norte, at Surigao Del Sur
Nabatid mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), aabot sa 83 bahay ang nasira kabilang ang 62 na totally damaged sa lalawigan ng Cebu.
Batay sa ulat ng NDRRMC, hindi pa rin madaanan dulot ng pagguho ng lupa ang Tacloban-Baybay South Road sa Mahaplag Leyte gayundin ang Panalian Bridge sa Southern Leyte Hindi naman bababa sa 6,702 indibidwal o 1,950 pamilya sa 57 barangay sa Davao at CARAGA region ang naapektuhan ng bagyo

