BINAWI na ang mga babala ng bagyo habang kumikilos na patungong West Philippine Sea palabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Jolina.
Ayon sa PAGASA, maaari pa ring maramdaman ang epekto ng bagyong Jolina sa ilang lugar sa bansa.
Huling namataan ang Tropical Storm Jolina sa layong 240 kilometro ng Kanluran ng Dagupan City, Pangasinan na may lakas ng hangin na 85 km/h, at pagbugsong hanggang115 km/h. Kumikilos din ang bagyo sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Samantala, lumakas pa at maaring maging supertyphoon ang bagyong Kiko na nananalasa sa dulong Hilagang Luzon dahil sa taglay nitong lakas ng hangin na 195 kilometro kada oras at pagbugsong 240 kilometro kada oras na posibleng tumaas pa. Kumikilos ang bagyo sa layong 20 kilometro kada oras.
Alas-10 ng umaga ng Huwebes nang itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Cagayan kasama ang Babuyan Islands, northeastern portion ng Apayao at northeastern portion ng Isabela.
Ibinabala na ng weather bureau ang posibleng maranasang malakas hanggang sa matinding pag-ulan sa Cagayan kasama ang Babuyan Islands at northern Isabela gayundin sa Batanes at nalalabing bahagi ng Isabela. Posible rin umano ang storm surge at mga pagbaha at landslides.
Palalakasin naman bagyong Jolina ang nararanasang Southwest Monsoon o habagat na magdadala ng malakas na pag-ulan sa Palawan, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.
“Under these conditions, flash flooding and rain-induced landslides are possible especially in areas that are highly or very highly susceptible to these hazards as identified in hazard maps,” batay sa abiso ng PAGASA.

